2 simbahan sa Pinas itinalagang minor basilica ng Santo Papa

2 simbahan sa Pinas itinalagang minor basilica ng Santo Papa

July 27, 2022 @ 9:33 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Ang Archdiocesan Shrine of St. Anne sa Taguig City at Parish Church of Saint Dominic sa San Carlos City, Pangasinan ay itinalaga bilang minor basilica ni Pope Francis, sinabi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) nitong Martes.

Ang St. Anne parish, na nasa ilalim ng Diocese of Pasig, ay nagsumite ng petisyon sa Vatican noong nakaraang taon upang pagbigyan ang lumang parokya ng titulo at dignidad ng isang minor basilica.

Sa 180 pahinang petisyon ay naglalaman ng parish history, liturgical services, social services, culture at devotion.

“This is a great blessing to us. This is the first basilica of the Diocese of Pasig,” sinabi ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara sa isang misa sa Kapistahan ni Saints Anne at Joachim.

Sa kabilang banda, ang parokya sa Lungsod ng San Carlos, sa ilalim ng Arkidiyosesis ng Lingayen-Dagupan, ay ang unang simbahang Dominikano sa Pangasinan.

Nagsimula ito bilang isang kapilya na gawa sa kawayan at nipa noong 1587 sa Binalatongan, ngayon ay San Carlos City.

Tatlong beses itong lumipat sa mas matataas na lokasyon noong ika-17 at ika-18 siglo dahil sa pana-panahong pagbaha.

Ang kasalukuyang simbahan ay itinayo noong 1773.

Walang nakatakdang petsa para sa liturgical rites para sa proklamasyon ng bagong minor basilica.

Ang titulong minor basilica ay ipinagkaloob para sa kagandahang arkitektura, kahalagahang pangkasaysayan, kabantugan sa liturhiya, pagkakaroon ng isang espesyal na relik o gawa ng sining o kumbinasyon ng alinman sa mga pamantayan.

Ang basilica ay nagdadala ng mga espesyal na pribilehiyo tulad ng plenaryo indulhensiya para sa mga mananampalataya na bumibisita sa simbahan at nakikilahok sa mga sagradong ritwal.

Ang tatlong simbolo na nagpapakilala sa basilica ay ang ombrellino (maliit na payong), tintinnabulum (mga kampana), at tiara at mga susi na nasa bandila ng Vatican.

Ang Pilipinas ay mayroon na ngayong 21 minor basilica. Jocelyn Tabangcura-Domenden