2 simbahan sinalakay ng 3 miyembro ng akyat-bahay gang; 1 arestado

2 simbahan sinalakay ng 3 miyembro ng akyat-bahay gang; 1 arestado

September 20, 2022 @ 7:30 PM 2 weeks ago


Bulacan- Arestado ng mga awtoridad sa follow up operation ang suspek na kabilang sa nanloob sa isang simbahan matapos muling umatake sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ni Bulacan Police Officer-In-Charge, PCOL. Relly Arnedo ang suspek na si Samuel Lorenzana, residente ng Brgy. Fatima 3.

Sa report, nahuli ang suspek bandang alas-4 ng umaga nitong Setyembre 18,matapos muling umatake ng isa pang simbahan.

Ayon sa report, unang pinasok ni Lorenzana kasama ang dalawang nakatakas na kasamahan ang isang Christian church sa Brgy. Sto. Cristo bandang alas-12:30 ng madaling araw nitong Setyembre 17.

Tinutukan ng baril at tinali ng mga suspek ang bagong gising na pastor na itago sa pangalang “LRT” na nakakita sa kanila nang akyatin at pasukin ang simbahan

Natangay nila ang Lenovo Laptop na may halagang P20,000, Celphone Redmi na P10,000 at Drawing Tablet na P8,000.

Subalit nitong madaling araw ng Setyembre 18 ay muling nanloob nang isa pang church sa Brgy. Mulawin ang naturang grupo hanggang sa maaresto sa follow-up operation ng mga pulis si Lorenzana.

Positibong kinilala ng pastor na unang biktima ang suspek na umanoy nanutok ng baril, kasamang nagtali sa kamay niya at nagbusal sa kanyang bibig nang pasukin ang kanilang simbahan.

Narekober sa suspek ang improvised gun, mga nakaw na gamit habang tinutugis na rin ng pulisya ang mga kasamahan nito.

Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III