2 SoKor nat’l na big-time illegal gambling operator, inaresto ng BI

2 SoKor nat’l na big-time illegal gambling operator, inaresto ng BI

September 21, 2021 @ 6:51 PM 4 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang puganteng South Korean na wanted sa kanilang bansa dahil sa pagkakasangkot sa pagpapatakbo ng isang “big-time illegal gambling” gamit ang Internet.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Jaime Morente ni Fugitive search unit (FSU) Chief Rendel Sy, kinilala ang mga inarestong dayuhan na sina Kim Hyundou, 42 anyos; at Lee Hyunjoo, 37 anyos, na naaresto noong Sabado sa tinutuluyan nilang bahay sa Alabang, Muntinlupa City.

Si Kim ay naaresto sa bisa ng Warrant of Deportation na inilabas ni Morente, kasunod ng impormasyon mula sa mga awtoridad sa South Korea na humihiling sa kanyang deportation pabalik sa kanilang bansa upang harapin ang mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanya.

Nahaharap umano si Kim sa dalawang warrant of arrest sa Suwon District Court at sa Seoul Central District Court dahil sa paglabag sa kanilang national sports promotion act.

Napag-alaman pa na may inisyung Interpol red notice laban sa nasabing Koreano noong 2019, dalawang taon pagkatapos nitong tumakas papuntang Pilipinas upang makaiwas sa pagsisiyasat at pag-uusig para sa kanyang mga krimen.

“Authorities alleged that between October 2014 to December 2016, Kim and his accomplices opened several sites in the Internet wherein customers from Korea, Japan and Hongkong gambled by betting on the results of international sports competitions,” saad ng BI.

Tinatayang nasa halos 1 bilyon na won ang kinita ng suspek mula sa kanilang iligal na aktibidades.

Sa isinagawang operasyon kay Kim, ay naabutan ng operatiba si Lee. Sa isinagawang pagsisiyasat, nabuking na si Lee ay may kinakaharap na “summary deportation order” mula sa BI na inisyu noong taon 2020 dahil sa pagiging pugante din nito sa kanilang bansa kung saan may kinakaharap itong arrest warrant na inisyu ng Seoul Central District Court sa kahalintulad na kaso ni Kim.

Ayon kay Morente, ang dalawang Koreano ay ipatatapon pabalik ng kanilang bansa dahil sa pagiging “undesirable” at “undocumented” na dayuhan ng mga ito, matapos bawiin ang kanilang mga pasaporte ng gobyerno sa Korea.

“The two will then be placed in our Immigration blacklist to prevent them from re-entering the country,” ani Morente.

“We will not allow these fugitives to hide in the Philippines to escape their crimes.  Through our close coordination with our foreign counterparts, we will make sure to rid the country of their presence and bring them to justice,” dagdag pa nito.  JAY Reyes


  •  
  •  
  •