2 sundalo hinatulang guilty sa 2010 activist slay

2 sundalo hinatulang guilty sa 2010 activist slay

April 19, 2022 @ 10:16 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Guilty ang dalawang sundalo ng Philippine Army kaugnay sa pagpatay sa aktibistang si Benjamin Bayles noong 2010, ayon sa ibinabang desisyon ng Bacolod Regional Trial Court.

Sa 33-pahinang desisyon, hinatulan ni Judge Ana Celeste Bernad na guilty sa kasong murder sina Rafael Cordova alyas Rogen Bajon at Reygine Laus alyas Ronnie Caurino.

Parehong hinatulan ang dalawa ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong.

Sinabi ng korte na batay sa testimonya at dokumentaryong ebidensiya, naitatag ng prosekusyon ang pagkakasala ng mga akusado sa pamamagitan ng dami ng katibayan para makabuo ng moral certainty “that would convince the conscience of those who are to act in judgment.”

Idinagdag nito na gumamit ang mga akusado ng hindi lisensyadong baril para patayin si Bayles.

“The prosecution was able to prove the existence of firearm and that the two accused are not licensed to possess the same and that he was positively identified by the witnesses as the one who fired shots against the victim,” saad sa kautusan ng korte.

Binaril at napatay si Bayles noong Hunyo 14, 2010 sa Barangay Su-ay sa Himamaylan City, Negros Occidental.

Samantala, sinabi ni National Union of People’s Lawyers president Edre Olalia na ang paghatol sa dalawang tauhan ng militar ay isang malinaw na mensahe at babala sa mga naniniwala sa “immunity for impunity.”

“We even waited more than three decades for some of the killers and torturers of labor leader Ka Lando Olalia and unionist Ka Leonor Alay-ay to be convicted by an Antipolo court,” ani Olalia.

“Now we waited more than a decade before two army personnel who killed in 2010 Benjamin Bayles, Bayan Muna coordinator and Iglesia Filipina Independiente member, to be convicted by a Negros court,” dagdag pa niya. RNT