2 sundalo patay sa NPA

2 sundalo patay sa NPA

February 21, 2023 @ 4:48 PM 1 month ago


BICOL- Patay ang dalawang sundalo matapos tambangan at pagbabarilin ng mga hinihinalang New People’s Army (NPA) kaninang umaga sa bayan ng Camalig.

Kinilala ang mga nasawi na sina Privates John Paul Adalim at Mark June Esico, kapwa kasapi ng 31st Infantry Battalion at kasama sa ginagawang search and rescue operations sa bumagsak na Cessna plane sa nasabing probinsya.

Ayon sa 9th ID, dakong alas-7 ng umaga nang maganap ang pananambang sa supermarket sa Barangay Cotmon, Camalig, Albay.

Sinabi ng militar na bumibili lamang ng mga suplay ang dalawang sundalo para sa mga rescuer ng bigla na lamang silang pinaulanan ng bala ng baril ng mga teroristang grupo.

Tinamaan ang mga biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Matapos ang pamamaril mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Mariin naman kinondena ni Major General Adonis Bajao, commander ng 9th ID and Joint Task Force Bicolandia (JTFB), ang pag-atake ng Communist Terrorist Group (CTG) na nagpapakita ng desperasyon sa panig ng rebeldeng grupo na isang kaduwagan dahil sa ginagawa nilang pananamantala at kawalan ng respeto sa karapatang pantao. Mary Anne Sapico