2 suspek kumanta: ‘Cong Teves’ nagpapatay kay Degamo

2 suspek kumanta: ‘Cong Teves’ nagpapatay kay Degamo

March 10, 2023 @ 7:42 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Dalawang suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ang nagsabing isang “Cong Teves” ang indibidwal na nasa likod ng pagpatay sa lokal na opisyal.

Ayon sa ulat, inisyal na inalok ang mga suspek na sina Joric Labrador at Benjie Rodriguez na magtrabaho para sa VIP security subalit kalaunan ay itinalaga sa grupong inatasan napatayin di Degamo. Sinabi ng parehong suspek na sinabihan sila na ang gobernador ay isang drug lord.

Patay sa pamamaril si Degamo at lima pa habang namamahagi ng tulong sa kanyang constituents sa Pamplona, Negros Oriental nitong Sabado. Ilang indibidwal naman ang nagtamo ng sugat, habang umabot na sa siyam ang death toll sa nasabing pag-atake.

Nang tanungin kung paano nila natukoy ang umano’y mastermind, sinabi ni Labrador: “Tinanong ko yung safe house namin at lupa, Teves daw”.  

Dagdag ni Labrador, “Ang alam kong nag-recruit sa amin ay si Marvin,” at nang tanungin kung sino ang nag-utos kay Marvin, aniya, “Si cong daw sir…Teves sir.”

Ang incumbent congressman sa Negros Oriental ay si Representative Arnolfo “Arnie” Teves. Ang kanyang kapatid na si dating Bayawan City Mayor Pryde Henry Teves, ay nanungkulan din bilang representative bago labanan si Degamo sa 2022 elections.

Inisyal na idineklarang wagi ang dating mayor subalit pinaalis sa pwesto matapos pagtibayin ng Commission of Elections and the Supreme Court ang pagkapanalo ni Degamo.

Sinabi ng National Bureau of Investigation at ng Department of Justice na kailangan nilang beripikahin ang mga alegasyon at iimbestigahan ang mga pangalan na binanggit sa kaso.

Sinubukang abutin ang mga kampo ng dating alkalde at ni Rep. Teves, na may travel clearance para sa paglalakbay sa ibang bansa mula Pebrero 28 hanggang Marso 9, ayon sa House Secretary-General Office.

“We call on all concerned to observe sobriety in their pronouncement regarding the allegations against Rep. Arnie Teves in the face of certain accusations against him in connection with the killing of Governor Roel Degamo and several other persons,” pahayag ni Ferdinand Topacio, legal counsel ng legislator.

Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may nakikitang “pattern of impunity” sa Negros Oriental kasunod ng pagpatay kay Degamo.

“What comes out is a pattern. It’s a pattern of impunity that we did not sense before. It is something that is so new to us,” pahayag ni Remulla, na bumisita sa burol ni Degamo nitong Miyerkules kasama sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Interior Secretary Benhur Abalos.

Ipinag-utos naman ni Marcos ang paglikha ng inter-agency task force na mag-iimbestiga sa mga pagpatay sa Negros.

Bubuuin ang task force ng Department of Justice, Department of Interior and Local Government, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at ng Office of the Executive Secretary.

Pangungunahan ni Interior Secretary Benhur Abalos ang body. RNT/SA