2 suspek na nangholdap-patay sa Koreano sa Pasay, arestado na

2 suspek na nangholdap-patay sa Koreano sa Pasay, arestado na

December 3, 2022 @ 11:41 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Makaraan lamang ang mahigit 24 oras ay agad na naaresto sa magkakahiwalay na pagsasagawa ng follow-up operations ng Pasay City police ang dalawang suspek na nangholdap at pumatay sa isang Koreano nitong Biyernes, Disyembre 2.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Byron Tabernilla ang mga nadakip na suspects sa magkahiwalay na follow-up operations na sina Jerome Quiñones Caratao at Prince Eleazar Datinguinoo Tupas.

Unang naaresto si Caratao dakong alas 4:30 ng hapon ng Disyembre 2 sa
Primero de Mayo St. Brgy 90, Pasay City habang si Tupas naman ay nadakip sa Brgy. Pulo Landayan, San Pedro City, Laguna ng ala-3:20 ng madaling araw nitong Sabado, Disyembre 3.

Sinabi ni Tabernilla na ang dalawang arestadong suspek ang nangholdap at pumatay sa kanilang nabiktimang Koreano na si Lee Seung Hoon, 45-anyos, nakatira sa Unit 808 Sunset View Building, Roxas Boulevard Service Road, Barangay 13, Pasay City.

Ayon kay Tabernilla, na nangyari ang insidente ng panghoholdap kay Hoon ala-4:23 ng madaling araw sa kahabaan ng Roxas Boulevard Service Road, Barangay 13, Pasay City.

Sinabi pa na lumabas sa review ng CCTV sa Lacson Residence na habang naglalakad si Hoon patungo sa direksyon ng Arnaiz Avenue nang biglang sumulpot ang dalawang lalaki mula sa kanyang likuran at puwersahang kinuha ang bitbit na bag ng biktima ngunit nanlaban ito.

Alintana sa kaalaman ni Hoon ay may dalang baril ang isa sa mga suspek kung kaya’t sa kanyang hindi pagbitiw sa bitbit na bag ay pinutukan ito sa likuran na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang mga suspek patungo sa Williams Street at sumakay sa kanilang getaway tricycle.

Nahaharap sa kasong robbery with homicide ang dalawang suspek na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police. James I. Catapusan