2 suspek na pumatay sa kelot sa Caloocan, sumuko

2 suspek na pumatay sa kelot sa Caloocan, sumuko

November 3, 2022 @ 4:28 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Kusang-loob na sumuko sa pulisya ang dalawang suspek na responsable umano sa pagpatay sa isang lalaki na natagpuan wala ng buhay at may mga saksak sa katawan sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Ruben Lacuesta ang mga suspek bilang sina Joseph Bacierra at Rico Gruta, kapwa residente ng Brgy. 165 ng lungsod at parehong nahaharap sa kasong Murder.

Batay sa ulat, dakong alas-4:20 ng madaling araw noong Oktubre 31 nang matagpuan ang wala ng buhay na katawan ng biktima na kinilalang si Mark Anthony Baranda, 28 sa kahabaan Vista Verde Subdivision, Brgy. Kaybiga, ng lungsod at may mga saksak sa katawan.

Sa isinagawang follow-up imbestigasyon ng mga tauhan ng Llano Police Sub-Station (PSS-7) ng Caloocan police sa ilalim ng pangangasiwa ni PCPT Rolando Domingo ay nagawa nilang matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek na responsable sa pagpatay sa biktima.

Kaagad nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis subalit, hindi pa nakauwi sa kanilang bahay ang mga suspek kaya’t pinayuhan nila ang mga kaanak ng mga ito na kumbinsihin ang mga suspek na sumuko para mabigyan sila ng patas na paglilitis sa korte.

Dakong alas-7:15 kamakalawa ng gabi, sinamahan ng kanilang mga kaanak ang mga suspek at kusang loob na sumuko sa PSS-7 kung saan sinabi ng mga ito sa pulisya na bago naganap ang insidente ay nagkaroon sila ng inuman kasama ang biktima hanggang sa magkaroon ng pagtatalo. R.A Marquez