2 suspek na umatake sa mag-inang Fil-Am sa NY arestado!

2 suspek na umatake sa mag-inang Fil-Am sa NY arestado!

March 8, 2023 @ 10:31 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Naaresto na ang dalawa sa tatlong suspek sa nangyaring pag-atake sa mag-inang Fil-Am sa New York City, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkoles.

“Sasampahan ng kaso ng State at New York City itong dalawang nahuli,” dagdag pa ni DFA Assistant Secretary Paul Raymund Cortes sa interbyu.

Patuloy namang hinahanap ang ikatlong suspek.

Matatandaang kasama ni Cecille Martinez-Lai ang kanyang 24-anyos na anak noong Huwebes ng hapon noong nakaraang linggo nang sila ay harasin at pisikal na sinaktan ng tatlong suspek — isang babae at dalawang lalaki — sa New York City.

Tinawag pa ang mag-ina na “ugly Asians.”

Basahin: Mag-inang Fil-Am pinagtulungan ng 3 katao sa New York

Sa nakita sa CCTV footage na inilabas ng New York Police District (NYPD), bumaba ang mga suspek sa kanilang sasakyan at sinuntok ng isa si Cecille.

Makikita rin sa video na tila tinatangka ng mga suspek na sagasaan ang mga biktima gamit ang kanilang sasakyan.

“Ang ating dalawang kababayan na nabiktima ng hate crime sa New York ay okay na sila. They’re just undergoing a little medical procedure, nag-MRI po yata to make sure walang internal bleeding ‘yung mag-ina,” ayon naman sa update ni Cortes.

Sinabi ng opisyal ng DFA na ang Philippine Consulate ay aktibong nagpapaalam sa Filipino-American community tungkol sa hate crimes at kung ano ang gagawin kapag nangyari ang mga ito.

“Ang kailangan lang nating gawin ay tumawag sa mga lokal na awtoridad ng pulisya,” sabi niya.

“Hate crime per se is something that is not tolerated not only in the Philippines but of course in America also,” dagdag pa ng opisyal. RNT