2 suspek sa Degamo slay ipapasok sa witness protection program – DOJ

2 suspek sa Degamo slay ipapasok sa witness protection program – DOJ

March 6, 2023 @ 4:28 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nais ipasok ng Department of Justice (DOJ) ang dalawa sa tatlong suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo sa witness protection program.

“Yung dalawa po doon sa… nahuli po no na respondents po natin dito sa murder case ni Governor Degamo ay tinitignan po ng DOJ kung pwede sila ipapasok sa witness protection program,” sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano sa isang panayam.

“So we will see throughout the day after the evaluation nung mga statements nila kung talagang pwede na silang ipasok sa witness protection program ng DOJ,” dagdag pa niya.

Matatandaan na nitong Sabado, Marso 4 ay pinagbabaril-patay ng armadong kalalakihan ang gobernador habang namamahagi ng ayuda sa mga residente nito sa kanyang tirahan sa Pamplona.

Maliban sa pagkamatay ni Degamo, nagresulta rin ito sa pagkamatay ng siyam na iba pa.

Kasunod nito, inaresto ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Army ang dating sundalo ng Army na si Joric Labrador, 50 taon; 42-year-old na dating Army Ranger na si Joven Aber, at 45-year-old na si Benjie Rodriguez sa hot pursuit operation na ikinasa sa Bayawan City.

Napatay naman sa engkwentro ang isa pang suspek.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Justice Undersecretary Nicholas Ty na nakikipag-ugnayan na ang DOJ sa PNP at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa paglilipat sa mga suspek sa Metro Manila para sa protective custody.

Samantala, inihain na ang patong-patong na kaso laban sa mga suspek sa Provincial Prosecutor ng Dumaguete.

Nang matanong naman si DILG Secretary Benhur Abalos kung tinitingnan ang anggulong politikal sa motibo ng pagpatay, tugon niya:

“Ang masasabi ko lang, kamukha nung kanina, maselan ito. Lahat ng anggulo tinitignan.”

Nanawagan naman si Abalos sa mga suspek na sumuko na, kasunod ng pagsasabi niya na mayroong nasa 10 indibidwal ang nakita kasabay ng pamamaril.

“Alam niyo yung mga kasangkot dito, unang una, ako ay nanawagan sa inyo, nahuli na yung mga kasama ninyo, kung ako sa inyo, it’s better for you to surrender dahil bukod sa nahuli na, meron pang mga pabuyang lumalabas para sa inyo,” ani Abalos.

Nag-alok na ang DOJ ng P5 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa likod ng pagpatay kay Degamo. RNT/JGC