2 suspek sa pagpaslang sa lady editor, naaresto

2 suspek sa pagpaslang sa lady editor, naaresto

September 8, 2021 @ 6:15 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Nadakip na ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang lalaking suspek sa pagpatay sa dating editor ng Remate noong nakaraang Biyernes, Setyembre 3.

Kinilala ang mga suspek na sina Nilo Payag Anub, residente ng Pacamara St., Brgy. Commonwealth, QC; at Richard Go Alaba, nakatira sa Pilot Drive, Brgy. Commonwealth, QC.

Magugunitang noong August 17, bandang 3:35 ng hapon nang pasukin ng isa sa mga suspek ang Gott Beauty Salon and Spa sa No. 192 Kaingin Road, Barangay Apolonio Samson at binaril nang apat na beses ang journalist na si Gwenn Salamida na agad na namatay habang sugatan naman ang kinakasama niyang si Oliver Perona makaraan magtamo ng bala sa katawan.

Sa skechy report na ginawa ni PSSG Jason Santoceldes  ng  La Loma Police Station (PS-1) , pasado 7:00 ng gabi (September 3), nang madakip ang mga suspek sa Sto Niño St.,  Brgy. Commonwealth, Q.C.

Ayon kay PLt. Col. Tyrone DG Valenzona, ng PS-1, agad silang nagsagawa ng follow-up operations matapos ang pamamaslang kay Salamida at nirebyu ang mga CCTV footage malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Lumalabas na nakita nila sa CCTV ang pagsundo ng Toyota Corolla na may plakang  TSG 684 sa isang suspek sa harap ng  Floor Center Muñoz Branch.

 

Nakunan muli sa CCTV ng Bake Shop sa Don Fabian St,. Brgy. Commonwealth ang pagdaan ng nabanggit na sasakyan.

 

Dahil dito, agad na nagsagawa ng operasyon ang mga kapulisan sa lugar kung saan kanilang namataan ang sasakyan na bumabaybay sa  Sto. Niño St., kaya hinarang at pinahinto ito ng mga pulis.

 

Nagtangka pa umanong tumakas ng mga suspek pero agad na naharangan ang daanan at naaresto ang dalawa.

 

Nasamsam sa mga suspek ang isang caliber .38, isang granada, dalawang piraso ng bala ng M203 at ang sasakyan. Jan Sinocruz


  •  
  •  
  •