2 tepok sa salpukan sa Vigan

2 tepok sa salpukan sa Vigan

September 23, 2022 @ 1:31 PM 1 week ago


VIGAN CITY – Tepok ang dalawang katao habang sugatan ang isa matapos magsalpukan ang kanilang sinasakyan motorsiklo at nagulungan pa ng kasunod na trailer truck nitong Huwebes, Setyembre 22 sa Ilocos Sur.

Kinilala ang mga nasawi na sina Mirasol Pando, 40-anyos, TSPI manager, angkas ng XRM motorcycle, residente ng Quimmarayan, Sto. Domingo at Efren Ventura, 56-anyos, construction worker, driver ng Rusi motorcycle at residente ng Resurreccion, San Juan.

Sugatan naman ang driver ng XRM motorcycle na kinilalang si Joshua Purificacion, TSPI collector at residente ng Naguilian, Caoayan.

Hawak naman ng pulisya ang driver ng Isuzu Trailer truck na si Franklin Lewin Pascual, 35-anyos, residente ng Barangay Bugas, Banna, Ilocos Norte kasama ang helper nito na si Ronaldo Jacinto, 43-anyos na residente ng Puttao, Solsona, Ilocos Norte.

Batay sa report ng San Juan Police Station, naganap ang insidente sa kalsadang sakop ng Barangay Baliw, San Juan, Ilocos Sur.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, kapwa binabaybay ng XRM na motorsiklo at trailer truck ang timog na direksyon ng bigla na lamang mag-overtake si Purificacion sa sinusundan nitong trailer truck.

Dahil dito, bumangga ang XRM sa kasalubong na Rusi na minamaneho naman ni Ventura.

Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang angkas na si Pando at napunta ito sa linya ng trailer truck dahilan para magulungan ito ni Pascual na naging sanhi ng agaran niyang kamatayan.

Dinala naman sa ospital si Ventura subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na rin ito ng hininga habang ginagamot naman sa ospital si Purificacion.

Nasa kustodiya na ng San Juan Police Station si Pascual para tamang disposisyon. Mary Anne Sapico