2 timbog sa halos P.4 milyon shabu sa Navotas buy-bust

2 timbog sa halos P.4 milyon shabu sa Navotas buy-bust

December 19, 2022 @ 1:49 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Isinelda ang dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng halos P.4 milyon halaga ng shabu nang malambat sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Jomarie Amaro alyas “Oman”, 27 at Jennifer Rivera alyas “Ipey”, 36, kapwa residente ng Caloocan City.

Ayon kay Col. Ollaging, dakong alas-9:24 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt Luis Rufo Jr sa Kanduli St., Brgy. NBBS Dagat-dagatan, Navotas City matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta umano ang mga suspek ng shabu.

Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek P12,000 halaga ng droga at nang tanggapin nila ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit ng umano’y shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 58 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price Php 394,400.00, buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at 11 pirasong P1,000 boodle money, P600 recovered money at betl bag.

Ani PLt Rufo, kakasuhan nila ang mga suspek ng paglabag sa Section 5 (Sale), Section 11 (Illegal Possession of Dangerous Drug), Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022). Boysan Buenaventura