Manila, Philippines – Dalawang nasa listahan ng number 1 most wanted personality ang naaresto ng mga tauhan ng Manila Police District sa Maynila.
Unang naaresto ang suspek na si Erwin Marcos, 50, na itinuturing na Number 1 Most Wanted Person ng MPD-PS 7 dahil sa kasong robbery.
Si Marcos ay naaresto sa isang masikip na eskinita sa Ma. Guizon Street, ‘di kalayuan sa kanyang tahanan sa bisa ng mga Warrants of Arrest na inisyu ni Hon. Judge William Simon Peralta ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 50, Manila at Hon. Judge Georgina Hidalgo ng Caloocan RTC Branch 122, dahil sa mga kasong robbery.
Sumunod namang naaresto sa P. Guevarra Street, sa Sta. Cruz, ang suspek na si Eddie Sanggol, 51, na itinuturing naman na Number 1 Most Wanted Person ng MPD-Station 3 dahil sa kasong rape.
Isang informant umano ang nagbigay ng impormasyon sa pulisya hinggil sa kinaroroonan ng suspek kaya agad ikinasa ang Oplan Galugad sa naturang lugar, na nagresulta sa pagkaaresto nito, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Roberto Quiroz, ng Manila RTC Branch 29 dahil sa kasong rape kung saan walang inirekomendang piyansa kapalit ng kanyang pansamantalang paglaya.
Nakadetine ang mga suspek sa Custodial Facility ng MPD-PS 7 at PS3, habang hinihintay pa ang commitment order ng hukuman laban sa kanila. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)