2 tulak binitbit sa Navotas buy bust

2 tulak binitbit sa Navotas buy bust

September 23, 2022 @ 3:27 PM 5 days ago


MANILA, Philippines – Nasamsam sa dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ng mahigit P74K halaga ng shabu matapos malambat sa buy bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilng sina Roberto Dondoyano alyas “Obet”, 30, (pusher/listed) at Joseph Guatno alyas “Boging”, 31, kapwa ng Brgy. Tangos North.

Ayon kay Col. Ollaging, dakong alas-10:05 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr, ng buy bust operation sa B. Cruz St., Brgy. Tangos North kung saan nagawang makaiskor ng P500 halaga ng droga ng isang undercover police kay Dondoyano.

Matapos tanggapin ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad dinamba ng mga operatiba si Dondoyano, kasama si Guatno na nakuhanan din ng hinihinalang shabu.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 11 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price Php 74,800.00 at marked money.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura