2 tulak kulong sa P74K shabu sa Navotas

2 tulak kulong sa P74K shabu sa Navotas

January 10, 2023 @ 1:08 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Isinelda ang isang truck driver at helper na sideline umano ang pagtutulak ng illegal na droga matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Reynante Pereña alyas “Nante”, 31, helper at Rodel Samonte, 39, truck driver, kapwa ng Brgy. Bangkulasi.

Ayon kay Col. Ollaging, dakong alas-11:50 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PCPT Luis Rufo Jr, ng buy-bust operation sa Langaray St, Brgy. NBBS Dagat-Dagatan matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng illegal na droga ng mga suspek.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang P500 marked money mula sa pulis na nagsilbi bilang poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng umano’y shabu ay agad lumapit ang back up na operatiba saka inaresto ang mga ito.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 11 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P74,800, buy-bust money, at isang motorsiklo.

Kasong paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Possession of Dangerous Drug), Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022) ang isasampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa piskalya ng Navotas City. Boysan Buenaventura