2 tulak nabitag sa Navotas buy-bust

2 tulak nabitag sa Navotas buy-bust

May 20, 2022 @ 1:26 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Bagsak sa loob ng rehas na bakal ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos malambat sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Navotas city, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Crisanto Francisco alyas “Santi”, 38 ng Oliveros St. at Arnel Acuna alyas “Bakoko”, 49 ng A. Cruz St., kapwa ng Brgy. Tangos North.

Ayon kay Ollaging, nakanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon na nagbebenta umano ng ilegal na droga ang mga suspek kaya ikinasa nila ang buy bust operation sa pangunguna ni PLT Luis Rufo sa Oliveros St. Brgy. Tangos North dakong alas-9:30 ng gabi.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos bintahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na umakto bilang poseur-buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang aabot sa 5.4 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price (SDP) P36,720 at marked money.

Ani PSSg Jaycito Ferrer, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura