2 tulak nadakip ng QCPD

2 tulak nadakip ng QCPD

January 18, 2022 @ 7:50 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Nalambat ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang tulak ng shabu na kinabibilangan ng isang babae matapos kumagat sa isinagawang buy-bust operation kaninang umaga sa nasabing lungsod.

Kinilala ang mga nadakip na sina Jean Claudine Concordia, alyas JC, 29 anyos, residente ng Blk. 7 Unit 10 Rowhouse, Pilot Drive Brgy. Commonwealth Q.C. at Francis Faustino, alyas KIKO, 49, nakatira sa no. 7 Agudo St., Brgy. San Jose Quezon City.

Base sa ulat, dakong alas-6:50 ng umaga nitong Martes nang isagawa ng Masambong Police Station 2 ang drug operation sa No. 24 Malasimbo St., Brgy. Masambong Q.C.

Isang pulis ang bumili ng shabu at nang magkaabutan ay dito na dinakma ang mga suspek.

Narekober mula sa dalawa ang limang plastic sachet na naglalaman ng 35 gramong shabu na nagkakahalaga ng P236,000 gayundin ang buy-bust money.

Nakapiit na ang mga suspek at kapwa nahaharap sa paglabag sa RA91654 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Jan Sinocruz