2 tulak nalambat sa Navotas buy bust, baril at P102k shabu, nasabat

2 tulak nalambat sa Navotas buy bust, baril at P102k shabu, nasabat

December 9, 2022 @ 10:21 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasamsam sa dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang isang baril at higit P.1 milyon halaga ng shabu matapos matimbog sa buy bust operation sa Navotas City.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Jefferson Legaspi alyas “Jeff”, 39, mangingisda, (pusher/listed) at Belinda Acuña alyas “Bebe”, 30, kapwa ng Brgy. Tangos North.

Ayon kay Col. Ollaging, dakong alas-11:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt Luis Rufo Jr ng buy bust operation sa Judge Roldan St., Brgy. San Roque matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta ng shabu ni Legaspi.

Matapos tanggapin ang P500 marked money mula sa isang pulis na nagsilbi bilang poseur buyer kapalit ng isang sachet ng umano’y shabu ay agad inaresto ng mga operatiba si Legaspi at kasabwat niyang si Acuña.

Nakumpiska sa mga ang humigi’t kumulang 15 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P102,000, marked money, coin purse wallet, sling bag, P300 recovered money habang nakuha kay Legaspi ang isang cal. 9mm revolver na kargado ng tatlong bala

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022) habang karagdagan kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) ang kakaharapin ni Legaspi. Boysan Buenaventura