2 tulak timbog sa P.2M shabu sa Malabon

2 tulak timbog sa P.2M shabu sa Malabon

May 22, 2022 @ 11:18 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Isinelda ang dalawang lalaki na nasa drug watch list matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyon halaga ng shabu sa buy bust operation sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director PBGEN Ulysses Cruz ang naarestong mga suspek bilang sina Angelito Mangan alyas “Toto”, 33 at Jeffrey Olino alyas “Jeff”, 45.

Ayon kay Cruz, sa pamamagitan ng intelligence driven operation ay ikinasa ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU-NPD) ang buy bust operation sa Blk C, Lot 50, Phase 2, Area 3, Hito St., Brgy. Longos dakong alas-10:30 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 30 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P204,000 at marked money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura