2 tulak timbog sa P’que drug ops

2 tulak timbog sa P’que drug ops

March 18, 2023 @ 10:45 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Dalawang drug suspects, kabilang ang isang menor-de-edad, ang nadakip ng mga operatiba ng Parañaque police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa isinagawang buy-bust operation nitong Biyernes (Marso 17).

Kinilala ni P/Col. Renato Ocampo, Parañaque police chief, ang mga arestadong suspects na sina Dannise Lequigan, 41, drayber at ang menor-de-edad na si alyas “Banson”, 17.

Base sa report ni Ocampo na isinumite sa Southern Police District (SPD), nasakote ang mga suspects sa ikinasang buy-bust operation ng SDEU sa Purok I Silverio Compound, Barangay San Isidro dakong alas-12:05 ng hatinggabi.

Sinabi ni Ocampo na sa isinagawang operasyon ay nakarekober ang mga operatiba ng 55 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P374,000.

Bukod sa nakumpiskang ilegal na droga sa posesyon ng mga suspects ay narekober din sa mga ito ang isang itim na pouch, apat na pirasong tig-P100 bills at pitong piraso ng tig-P1,000 bills na nagsilbing boodle money.

Ang mga nakumpiskang pinaghihinalaang shabu ay diala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa quantitative at qualitative analysis.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng Parañaque City police. James I. Catapusan