2 union organizer nakauwi na matapos ‘dukutin’

2 union organizer nakauwi na matapos ‘dukutin’

January 17, 2023 @ 7:53 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Kinondena ng mga progresibong grupo ang umano’y pagdukot sa Cebu City ng mga union organizer na sina Dyan Gumanao at Armand Dayoha, na muling nakasama ang kanilang mga pamilya noong Lunes matapos silang maiulat na nawawala mula noong Enero 10.

“The staggering experience of Gumanao and Dayoha exposes the barefaced disregard of basic human rights by state forces and their rabid intent to harm and attack unionists,” ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa isang pahayag.

Sinabi ng Gabriela na, ayon umano sa ama ni Gumanao, ang mga dumukot ay nagpakilalang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).

Sa isang bidyong kumalat, makikita ang mga lalaking nakasuot ng simpleng damit na tila nagtutulak ng isang tao sa isang kotse sa daungan habang ang mga nanonood ay sumigaw at humingi ng tulong. Ngunit ang video ay kinunan mula sa malayo at hindi makita ang mga mukha ng mga sangkot.

Si Gumanao ay mula sa ACT habang si Dayoha ay nagtatrabaho sa Alliance of Health Workers, kapwa nakabase sa Cebu.

Naganap ang pagdukot sa kanilang pagbabalik sa Cebu noong Enero 10, pagkatapos ng holiday visit sa Mindanao, ayon sa regional chapter ng Karapatan.

Bago ang insidente, ikinaalarma ng dalawa ang pinaghihinalaan nilang surveillance at tailing simula noong 2020.

Bagama’t muli silang nakasama ng kanilang mga pamilya noong Lunes, sinabi ng Gabriela na dapat managot ang mga dumukot sa paglabag sa karapatang pantao. Hindi agad malinaw ang mga detalye ng paglabas ng mga organisador ng unyon. RNT