2 wanted na Chinese, huli ng BI

2 wanted na Chinese, huli ng BI

October 9, 2018 @ 10:30 AM 4 years ago


Manila, Philippines – Laglag sa kamay ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Chinese national na wanted sa Beijing.

Kinilala ni Immigration Spokesperson Dana Krizia Sandoval ang mga naarestong sina Fu Hanzhou, 42-anyos, lalaki at Huang Meizhen, 37-anyos, babae.

Ang dalawa ay naaresto sa kahabaan ng Legarda Street sa Binondo, Maynila ng mga ahente ng Bureau’s Fugitive Search Unit (FSU).

Ayon kay Sandoval, ang dalawa ay nakatakdang i-deport dahil sa pagiging undesirable at undocumented aliens bukod pa sa kanselado na ang kanilang mga pasaporte.

Kasalukuyang nakadetine sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang dalawang banyaga dahil sa kasong economic crimes habang hinihintay ang kanilang deportasyon.

“Upon deportation, they will be placed in our blacklist to ensure these fugitives won’t be able to return to the Philippines,” ani Sandoval./Jocelyn Tabangcura-Domenden