20% discount sa gov’t fees ng job applicants, inihain sa Senado

20% discount sa gov’t fees ng job applicants, inihain sa Senado

August 21, 2022 @ 3:16 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihain sa Senado ang isang panukalang batas na magbibigay ng 20% diskuwento sa lahat ng uri ng bayarin sa dokumentong kinukuha mula sa pamahalaan para sa mahihirap na nag-aaplay ng trabaho.

 

Sa pahayag, sinabi ni Senador Jinggoy Estrada na bibigyan ng diskuwento ang sinumang indigent job applicants sa pagkuhan ng dokumentong ibinibigay ng pamahalaan na kailangan maisumite sa papasukang trabaho.

 

 “Para sa mga mahihirap nating kababayan na pinagsisikapan na itaguyod ang kanilang sarili o pamilya, mabigat sa bulsa ang mga bayarin sa mga dokumentong kailangan nilang isumite. Ang kakarampot nilang gastusin sa pang-araw-araw ay nababawasan pa pagkuha ng mga clearances at certificates,” ani Estrada sa kanyang inihaing Indigent Job Applicants Discount Act.

Layunin ng Senate Bill No. 47 na mabigyan ng diskwento sa mga binabayarang certificates at clearances na iniisyu ng ilang ahensya ng gobyerno ang mga mahihirap na aplikanteng nagsusumikap na makakuha ng trabaho asa loob at labas ng bansa.

 

Saklaw ng panukala ang mga clearance na iniisyu ng National Bureau of Investigation (NBI) and Philippine National Police (PNP), certificate of marriage at certificate of live birth mula sa Philippine Statistics Authority (PSA); certificate of live birth, transcript of records at authenticated na kopya ng diploma mula sa state universities and colleges (SUCS); medical certificate para sa lokal na trabaho mula sa alinmang ospital ng gobyerno na lisensyado ng Department of Health (DOH), certificate of civil service eligibility mula sa Civil Service Commission (CSC), national certificate (NC) at certificate of competency (COC) ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang documentary requirements na iniisyu ng gobyerno na maaaring kailanganin ng mga employer sa mga aplikante.

 

Ang mga natukoy at sertipikado ng PSA na namumuhay ng mas mababa pa sa opisyal na poverty threshold base sa pamantayang nakasaad sa Community-Based Monitoring System (CBMS) at mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay maaaring makakuha ng diskwento ng isang beses kada anim na buwan.

 

Anumang maling representasyon o pamemeke ng mga dokumento at pang-aabuso sa mga pribilehiyo ng isang aplikante sa trabaho ay papatawan ng parusa batay sa Revised Penal Code at maaari ring habambuhay na diskwalipikasyon na mabigyan ng nasabing diskwento.

 

“Ang mga kapos sa buhay ay dapat nakakahigit sa batas. Itong Magsaysay credo ang guidepost ko sa bill na ito. Ang gobyerno ay dapat laging isaalang-alang ang kapakanan ng masang Pilipino,” pagtatapos ni Estrada.  Ernie Reyes