20 indibidwal naiulat na patay sa sama ng panahon – NDRRMC

20 indibidwal naiulat na patay sa sama ng panahon – NDRRMC

January 14, 2023 @ 1:42 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Pumalo na sa 20 katao ang bilang ng namatay dahil sa epekto ng low pressure areas, Northeast Monsoon (Amihan), at shear line simula Enero 1.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), lima sa nasabing bilang ay mula sa Region 5; anim sa Region 8; tig-4 sa Region 9 at 10; at isa sa Region 11.

Sa situational report ng NDRRMC, sinabi nito na 10 sa napaulat na namatay ay validated na habang ang natitirang 10 ay “for validation.”

Samantala, ang bilang ng nasugatan ay walo, apat sa Region 9 at apat sa Region 10 — ang lahat ng ito ay “for validation.”

May isa naman ang kumpirmadong nawawala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

May kabuuang 343 na lugar ang binaha dahil sa masungit na panahon, ayon sa NDRRMC.

Ang bilang ng apektadong pamilya ay umabot na sa 133,258 kung saan kumakatawan sa 552,131 katao.

Sa naturang bilang, 15,447 pamilya (79,413 katao) ang dinala sa 127 evacuation centers habang may 5,150 pamilya (649 katao) naman ang nananatili sa labas ng evacuation centers.

Sa kabilang dako, may 1,135 bahay ang napinsala sa Mimaropa, Regions 2, 5, 6, 8, 9, 10, 11, 12, at BARMM.

Sa nabanggit na bilang, may 865 bahay ang partially damaged habang 270 ang totally damaged.

Ang production loss o pinsala sa agrikultura ay umabot na sa P257,765,961.89 habang ang pinsala naman sa imprastraktura ay umabot sa P171,230,996.

“A total of P32,367,486.68 worth of assistance has been extended to affected residents so far in Regions 2, 3, Calabarzon, Mimaropa, 5, 6, 8, 9, 10, and 11,” ayon sa NDRRMC. Kris Jose