20 iskul pininsala ni Karding; pagsasaayos aabot sa P112M-DepEd

20 iskul pininsala ni Karding; pagsasaayos aabot sa P112M-DepEd

September 27, 2022 @ 11:53 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa P112 milyon ang tinatayang gastos sa pagpapaayos ng mga nasirang paaralan dahil sa Bagyong Karding, sinabi ng Department of Education (DepEd) sa kanilang initial assessment report.

Batay sa preliminary assessment ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), hindi bababa sa 20 paaralan ang napinsala sa imprastraktura dahil sa Karding kaninang 12 p.m. ng Setyembre 26, Lunes.

Ang mga paaralang ito ay matatagpuan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, National Capital Region (NCR), at Cordillera Administrative Region (CAR).

Sinabi ng DepEd na 12,174,549 na mag-aaral sa 21,509 na paaralan ang lahat ay naapektuhan ng bagyo, kabilang ang mga naapektuhan ng suspensiyon ng klase.

Mayroon ding 107 school divisions ang apektado sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, NCR, at CAR.

May kabuuang 327 na mga paaralan din ang ginamit bilang mga evacuation center, kung saan 259 sa mga ito ay kasalukuyang ginagamit pa.

Batay sa binagong DepEd Order (DO) 37 na nilagdaan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, maaaring gamitin ang mga paaralan bilang agarang evacuation site sa panahon ng kalamidad ngunit hindi dapat tumagal ng higit sa 15 araw.

Inatasan din ang mga local government unit na huwag gamitin ang mga paaralan bilang pangmatagalang tirahan ng mga evacuees. RNT