20 NPA naka-engkwentro ng militar; 100 pamilya inilikas

20 NPA naka-engkwentro ng militar; 100 pamilya inilikas

October 8, 2022 @ 1:13 PM 2 months ago


NEGROS OCCIDENTAL- Mahigit sa 100 pamilya ang inilikas ng tropa ng pamahalaan matapos sumiklab ang bakbakan ng makasagupa ang nasa 20 miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) nitong Huwebes sa Himamaylan City.

Ayon kay BGen. Inocencio Pasaporte, commander ng 303rd Infantry Brigade PA, inilikas ang mga residente sa Barangay Carabalan para matiyak ang kanilang kaligtasan habang nagsasagawa ng clearing operations sa naturang lugar.

Batay sa report ng Philippine Army (PA), umaga ng Huwebes nakatanggap ng report ang tropa ng 94th Infantry Battalion (IB) hinggil sa presensya ng mga armadong grupo sa Sitio Sig-ang ng nasabing lungsod.

Pagdating ng tropa ng pamahalaan sa lugar agad silang sinalubong ng mga putok ng baril ng higit sa 20 kasapi ng NPA na nauwi sa palitan ng putok na tumagal ng ilang minuto.

Subalit, makalipas ang ilang oras ay muli itong nasundan at nagkasagupa ng militar at mga rebeldeng NPA.

Sinabi ni Pasaporte na wala naman naiulat na nasaktan o nasawi sa naganap ang engkwentro taliwas sa kumakalat na report sa social media na may dalawang batang namatay sa dalawang beses na sagupaan.

Kinabukasan, nasundan ang engkwentro sa nabanggit na barangay ng tropa ng 62nd IB na posibleng parehong rebeldeng grupo na naunang nakasagupa ng 94th Infantry Brigade.

Mananatili naman sa evacuation center ang mga residenteng apektado ng kaguluhan hanggang hindi pa ligtas ang mga lugar sa anuman banta ng teroristang grupo.

Samantala, nagtulong-tulong naman sina Pasaporte at Lt. Col. Van Donald Almonte, ng 94th IB commander, Philippine Air Force Blackhawk aircraft, na nagsagawa ng aerial reconnaissance sa mga lugar ng pinangyarihan ng engkwentro.

Layon ng aerial reconnaissance ay para maiparating sa tamang oras ang lahat ng impormasyon sa mga ground force commander at makita ang mga lugar na pinangyarihan ng engkwentro lalo na sa Barangay Carabalan. Mary Anne Sapico