20 patay, 5 nawawala sa landslide sa Maguindanao

20 patay, 5 nawawala sa landslide sa Maguindanao

October 31, 2022 @ 11:52 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Umakyat na sa 20 ang patay sa pananalasa ng severe tropical storm Paeng sa Barangay Kusiong, sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, ayon kay Chairman Jaffer Sheen Sinsuat nitong Lunes.

“Naglandslide po ang isa sa aming tourist spots, ang Mount Minandar, isa sa mga pinakasikat na bundok sa Maguindanao. Unexpected po na guguho,” paglalahad ni Sinsuat. 

Itinuturing ang Mt. Minandar na isa sa mga pinakaligtas na lugar sa Datu Odin Sinsuat, hna nagsilbing relocation area para sa Maguindanaons noong nagkaroon ng tsunami noong Agosto 1976 kasunod ng 8.1 magnitude quake sa Cotabato trench.

Lima pa ang nawawala, kung saan apat ang sanggol habang ang isa ay matandang babae.

“Baka po may ibang kamag-anak pa po sila na nawawala, pwede po nila i-report sa amin, para po maaksyunan at ma-rescue,” panawagan ni Sinsuat. 

Inihayag ng mga lokal na ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng landslide sa lugar, base kay Sinsuat, ayon sa mga nakatatanda sa lugar.

Nananatili ang mga residente ng Barangay Kusiong sa evacuation areas, at binigyan na ng tulong mula sa mga karatig-barangay. RNT/SA