200 aircon jeepneys, ikakalat na sa Metro Manila next week

200 aircon jeepneys, ikakalat na sa Metro Manila next week

July 23, 2018 @ 1:35 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Abot sa 200 air conditioned jeepneys ang ikakalat ng Department of Transportation (DOTr) sa buong Metro Manila kapalit ng mga karag-karag na pampasaherong dyip na bumibiyahe ngayon.

Matatandaang may nauna nang 50 PUJ units na inilabas kaugnay ng jeepney modernization program na inilunsad upang mabawasan ang bigat ng trapiko.

Ang nasabing mga units ay kamukha pa rin ng dating Sarao jeepneys ngunit may aircon ito, WiFi, CCTV, GPS, dash cam, speed limiter, at automatic fare collection system kaya hindi na kailangan ang kunduktor.

Ang ibang unit naman ay may espesyal na upuan para sa mga people with disability (PWD) ngunit hindi lahat ay may ganitong feature.

Kayang magsakay ng bagong jeep ng 9 hanggang 22 pasahero at may mas mataas itong bubong kaya pwedeng tumayo ng maayos ang mga sasakay o bababa.

Nasa tagiliran din ang pinto ng bagong jeep upang makita ng driver kung nakasakay na o nakababa na ng maayos ang pasahero.

Regular ang ruta ng mga modern PUJs mula Senado hanggang Vito Cruz at LRT sa Buendia; Bagumbayan sa Taguig patungong Pasig na dadaan sa San Joaquin; Guadalupe BGC tungong Fort Bonifacio Gate 3.

Sampung piso ang minimum fare bawat sakay at karagdagang P2.00 bawat kilometro naman kung lalampas ng apat na kilometro ang biyahe.

Ayon kay DOTr Usec. Thomas Orbos said, naniniwala silang magiging matagumpay ang modern jeepney kahit katakut-takot na batikos ang inabot nito. – NENET L. VILLAFANIA