200 negosyante sa P’que binigyan ng P10K pambangon-kabuhayan

200 negosyante sa P’que binigyan ng P10K pambangon-kabuhayan

September 16, 2022 @ 11:24 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Namahagi ang lokal na pamahalaan ng Parañaque ng cash card sa 200 negosyante na naging benepisyaryo sa programang “Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa” (PPG) ng lungsod nitong Setyembre 15.

Sinabi ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na ang mga benepisyaryo sa PPG Micro, Small, at Medium Enterprises (MSMEs) ay nakatanggap ng kanilang cash card na nagkakahalaga ng P10,000 sa isinagawang distribusyon na ginanap sa Parañaque Sports Complex in Barangay San Antonio.

Paliwanag pa ni Olivarez na ang mga napiling benepisyaryo ay ang mga pinakanaapektuhan ng pandemya na dulot ng COVID-19.

Kabilang si 1st District Rep. Edwin Olivarez sa mga dumalo sa distribusyon ng cash card na nagsabing ang proyektong PPG ay naging matagumpay dahil sa pakikipag-partnership ng lokal na pamahalaan sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sinabi rin ng kongresista na ang naturang proyekto ay ay bahagi ng economic recovery program ng lokal na pamahalaan para sa mga maliliit na negosyante sa lungsod na kinabibilangan ng mga nagmamay-ari ng sari-sari stores pati na rin ng mga vendors.

Dagdag pa ni Olivarez na umaasa ang lokal na pamahalaan na bagama’t hindi kalakihan ang naipagkaloob na ayuda sa mga benepisyaryo ay makatutulong pa rin ito sa pagpapalaki at pagpapalago ng kanilang mga negosyo. James I. Catapusan