200 NPA supporters, 52 dating rebelde, nakinabang sa E-CLIP

200 NPA supporters, 52 dating rebelde, nakinabang sa E-CLIP

February 25, 2023 @ 3:36 PM 4 weeks ago


BUTUAN CITY- Nakakuha ng benepisyo mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E- CLIP) ang 200 supportes ng New People’s Army (NPA) at nasa 52 dating miyembro ng komunista sa lalawigan ng Agusan del Sur noong Huwebes.

Ayon kay Maj. Jennifer Ometer, hepe ng information Police Regional Office sa Caraga Region (PRO-13), ang batch na nakatanggap ng E-CLIP ay nagmula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.

“Ang mga dating rebelde at tagasuporta ay sumuko sa mga field unit ng PRO-13 sa iba’t ibang okasyon noong nakaraang taon at sa unang bahagi ng 2023 sa Agusan del Sur,” ani Ometer.

Ginanap ang pamamahagi ng mga benepisyo ng E-CLIP sa Patin-ay, bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur na dinaluhan nina Presidential Anti-Organized Crime Commission Secretary Gilberto DC Cruz; Lt. Gen. Filmore Escobal, Area Police Command, Eastern Mindanao commander; Maj. Gen. Edgar Alan Okubo, ng Philippine National Police – Special Action Force director; PRO-13 director, Brig. Gen. Pablo Labra II; at Agusan del Sur Governor Santiago Cane Jr.

Tumanggap ang mga benepisyaryo ng tulong pang-edukasyon at iskolar para sa kanilang mga anak, livelihood training mula sa Technical Education and Skills Development Authority, at livelihood support mula sa Upland Sustainable Agroforestry Development (USAD) program ng pamahalaang panlalawigan, at iba pa.

Sinabi naman ni Labra, maaaring maiugnay sa consistency ng Revitalized Pulis Sa Barangay program kung saan ang (units) ay nakapagturo sa mga tao sa mga lugar na pinamumugaran ng mga rebelde tungkol sa mga programa at serbisyo ng gobyerno at ang E-CLIP program.

Dagdag pa ni Labra na ang PRO-13 ay patuloy na makikipagtulungan sa iba pang stakeholders sa rehiyon upang makuha muli ang mga rebelde at kanilang mga tagasuporta sa gobyerno.

Pinasalamatan naman ng isang benepisyaryo ang pamahalaan sa mga oportunidad na natanggap niya matapos niyang talikuran ang grupo ng NPA.

Hinikayat din niya ang iba pang rebelde na magbalik-loob sa gobyerno dahil wala silang kinabukasan sa loob ng kilusang NPA at sinisira lamang nito ang kanilang buhay at pamilya.

“Bukod sa wala na itong maidudulot na kabutihan sa mamayang Filipino ay sumisira para sa buhay ng mga ordinaryong sibilyan at residente.” Mary Anne Sapico