200 tagasuporta, medic ng NPA, sumuko

200 tagasuporta, medic ng NPA, sumuko

November 25, 2022 @ 3:49 PM 3 days ago


MANILA, Philippines – Tuluyan ng tinalikuran ng 200 tagasuporta ng rebeldeng grupo na New People’s Army (NPA) ang pagiging kasapi sa kilusang komunista at nangako ng katapatan sa gobyerno, sa Barangay Sta. Mercedes, Maragondon, Cavite noong Nobyembre 18.

Pinadali ng 2nd Civil-Military Operations Battalion ang kanilang pagkalas bilang tagasuporta at kaanib umano ng grupong Gabriela at Anakbayan Patungan Chapter at sa tulong na rin ng Maragondon Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict, Sta. Mercedes Barangay TF-ELCAC, at Cavite-PNP.

Binigyang-diin ang aktibidad sa pamamagitan ng paglagda ng isang kasunduan sa kapayapaan at pagsunog ng mga watawat ng NPA.

Samantala, sunod naman na sumuko ang medic ng New People’s Army (NPA) sa lalawigan ng Aurora na kinilalang si “Ka Balong”, miyembro ng “Komiteng Larangang Guerilla” Sierra Madre Tarlac-Zambales ng NPA.

Bitbit ni Ka Balong sa kanyang pagsuko ang isang M16 automatic rifle at isang M14 assault rifle.

Kusang-loob itong sumuko sa headquarters ng 91st Infantry Battalion sa Camp Jaime Bitong Jr., Barangay Calabuanan sa Baler, Aurora noong Nobyembre 20.

Ang unit ay isa sa mga field formation ng 7th Infantry Division na nakabase sa Fort Magsaysay. Mary Anne Sapico