2,000 KATAO DEDO SA COVID ARAW-ARAW SA CHINA

2,000 KATAO DEDO SA COVID ARAW-ARAW SA CHINA

January 16, 2023 @ 10:30 AM 3 weeks ago


SINABI ng National Health Commission ng China na nasa 2,000 katao ang namamatay araw-araw sa COVID-19 sa kanilang bansa noong nakaraang buwan.

Ayon kay Jiao Yahui, hepe ng NHC, namatay nitong Disyembre 8, 2022 hanggang Enero 12, 2023 ang 5,503 na tuwirang biktima ng COVID habang namatay ang 54,435 na may malalalang sakit gaya ng kanser at sakit sa puso at may halong COVID.

Katamtamang nasa 80-anyos umano ang mga biktima at kasama ang mga ito ng 65-anyos pataas na bumubuo ng 90 porsyento sa mga namatay.

Gayunman, tanging ang mga namatay o nirekord ng ospital lamang ang nabanggit na bilang.

Kaya naman, pinaniniwalaan ng iba na higit dito ang namatay dahil tiyak umanong may mga namatay sa labas at wala sa rekord ng mga ospital.

Noong una, may mga balitang punuan ang mga ospital at may ilang umaapaw na.

Nagbunga naman ito nang pagtanggi ng mga ospital na tumanggap hanggang sa walang mapagdalhan ng mga delikado ang kalagayan at sa kalsada na lang namamatay na sakay ng ambulansya o pribadong sassakyan.

Gayundin na puno at umaapaw rin ang mga bangkay sa mga crematory.

Nangyari na rin sa atin ito noong kasagsagan ng COVID at pami-pamilya ang tinatamaan.

At wala na ring magawa maging ang mga kapitbahay, mga kapitan ng barangay at iba pa kundi magsabit ng mga tulong na pagkain, gamot at iba pang ayuda sa mga nila-lockdown na tahanan, barangay, condominium, pabrika at iba pa.

Hangga’t maaari, ayaw na nating balikan ang naganap na pandemya sa atin at kalakip dapat nito ang ibayong pag-iingat pa rin laban sa nagaganap sa China na tiyak na kakalat sa Pinas at buong mundo.

Mag-face mask tayo lagi sa labas ng bahay, magpabakuna at booster shot, magsocial distancing at iba pa. Manatiling laging ligtas.