200K doses ng Pfizer vax lumapag na sa bansa

200K doses ng Pfizer vax lumapag na sa bansa

October 17, 2021 @ 8:17 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Lumapag na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nasa 207,900 doses ng COVID-19 vaccine mula sa Pfizer-BioNTech.

Ito ay bahagi ng binili ng pamahalaan para sa COVID-19 vaccination program.

Bago mag-alas nuwebe ng gabi nitong Sabado, Oktubre 16 ay dumating ito sa Terminal 3 ng nasabing paliparan.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 special adviser Dr. Ted Herbosa, ang batch na ito ang gagamitin para sa bakunahan sa mga bata o edad 12 hanggang 17 anyos.

“Pfizer and Moderna are the two vaccine brands that are approved for 12 years old and up. We will be using it for our adolescent children’s vaccination,” ani Herbosa.

Maaalalang nagsimula noong Biyernes ang pilot implementation ng pediatric vaccination para sa mga batang mayroong pre-existing health condition.

Dagdag pa ni Herbosa, ipadadala rin ang mga vaccine doses na ito sa Cebu at Davao City.

Kahapon din ay may dumating na 720,000 doses ng COVID vaccine na Sputnik V. RNT