2017 franchising guidelines para PUV Modernization susuriin ng gobyerno

2017 franchising guidelines para PUV Modernization susuriin ng gobyerno

March 8, 2023 @ 5:46 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Susuriin ng pamahalaan ang 2017 Omnibus Franchising Guidelines, na nagsisilbing framework para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), ani Transportation Secretary Jaime Bautista nitong Miyerkules, Marso 8.

“Rereviewhin ang Omnibus Franchising Guidelines. Kaya nga sabi ko importante ang dialogue kasi nga mapaguusapan natin ‘yan,” pagbabahagi ni Bautista sa Kapihan sa Manila Bay Forum.

“Lumabas ito noong 2017 pa. Now it’s 2023, so there’s really a need to review it,” dagdag pa niya.

Sa pulong balitaan, nauna nang sinabi ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) national president Modesto “Mody” Floranda na pumayag ang pamahalaan na rebisahin ang ilang bahagi ng Omnibus Franchising Guidelines, katuwang ang transport sector.

Isa ang Department Order 2017-011 o Omnibus Guidelines on the Planning and Identification of Public Road Transportation Services and Franchise Issuance sa ipinoprotesta ng mga tsuper at operator.

Sa ilalim ng PUVMP na nagsimula noong 2017, obligado ang mga jeepney driver at operator na sumali o bumuo ng kooperatiba o korporasyon.

Layon din ng programa na palitan ang mga traditional jeepney ng mga sasakyang mayroong Euro-4, Euro-5, or Euro-6 compliant engines, ngunit paliwanag ng mga driver at operator, aabutin ito ng mahigit P2 milyon.

Samantala, sinabi ng DOTR at LTFRB kasabay ng pagdinig sa Senado na maaari pa ring ipamasada ang mga traditional jeepney basta’t sasali ang mga ito sa kooperatiba o korporasyon, upang maiwasan ang “on-street competition” sa mga drayber. RNT/JGC