2019 proposed national budget, nasa tanggapan ni dating Speaker Alvarez- Rep Nograles

2019 proposed national budget, nasa tanggapan ni dating Speaker Alvarez- Rep Nograles

July 24, 2018 @ 1:23 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Kinumpirma ni House Appropriations Committee Chairman Karlo Nograles na nasa tanggapan na ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez ang kopya ng P3.757 Trillion 2019 proposed national budget na isinumite ng Malakanyang.

Bagama’t nasa Kamara na ang budget proposal ay inamin ni Nograles na hindi pa nila ito agad na matatalakay dahil hanggang sa ngayon ay nangangapa pa sila kung magkakaroon ng balasahan sa Chairmanship sa Kamara matapos ang naging rigodon sa House Leadership.

“Ngayon nangangapa pa din ako kung maitutuloy ko ang pag-uumpisa ng budget hearing dahil kung may balasahan baka madamay ang pamumuno ko sa House Appropriations Committee,” paliwanag ni Nograles.

Idinagdag pa ni Nograles na bago pa man masimulan ang deliberasyon sa budget ay magkakaroon pa ng seremonya kung saan pormal na ipiprisinta ng Department of Budget sa House Leadership ang proposed budget, ani Nograles, hindi pa din nila batid kung kailan ito maisasagawa.

Matatandaan na bago ang pagbabago ng House Leadership ay nagtakda na si Nograles ng hearing schedule para sa budget hearing kung saan target nito na matapos sa katapusan ng Agosto ang committee deliberations.

Matapos ang pagdinig sa komite ay agad nilang isasalang sa plenaryo ang budget at sa buwan ng Setyembre ay inaasahang maaaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang 2019 General Appropriations Act

Malaking bulto ng 2019 national budget ay sa edukasyon na nasa P659.3B, mas mataas ito ng P72.2B kumpara sa 2018 budget na nasa P587.1B; ikalawa ay sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na may budget na P555.7B. Gail Mendoza