2021 budget ‘di maho-hostage sa away sa Kamara; walang pork barrel

2021 budget ‘di maho-hostage sa away sa Kamara; walang pork barrel

September 23, 2020 @ 7:40 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Tiniyak ni Speaker Alan Cayetano na hindi magiging hostage o mababalam ang pambansang badyet para sa susunod na taon dahil lamang sa awayan sa pagka-Speaker at titigbakin din nila ang anomang pork barrel na isisingit dito.

Ito ang inihayag ni Speaker Cayetano na ninais  sibakin sa pwesto bilang Speaker kamakailan ng umano’y grupo ni Marinduque City Congressman Lord Velasco sa kabila ng kasunduan ng dalawa na susunod na Speaker si Velasco sa susunod na buwan.

Mariing sinabi ni Cayetano na maipapasa ang pambansang badyet na nagkakahalaga ng P4.5 trilyon para sa 2020 sa tamang panahon.

Kasama rin umano si House Majority Leader Martin Romualdez ng Leyte sa pagtitiyak na malayang makipag-usap ang sinomang mambabatas, kahit isang mamamayan lamang, ukol sa kanilang problema.

Hindi umano sila yuyukod sa anomang pananakot na hindi maipasa ang badyet sa tamang oras at para magkaroon ng pork barrel, parking o lihim na paglalagay ng pork barrel sa mga departamento at proyekto at korapsyon.

Nauna rito, kinuwestiyon ni Negros Oriental Cong. Arnie Teves ang P8 bilyong pondo sa imprastraktura para sa Taguig City na kinakatawan ni Cayetano at misis nitong si Cong. Lani at P11B naman sa Camarines Sur na kinakatawan ni Cong. Deputy Speaker LRay Villafuerte samantalang P2B lang ang inilaan sa distrito ni Teves na nangangailangan din dapat ng malaking pondo.

Ayon naman kina Cayetano at Villafuerte, tama at patas lang ang paglalaan ng pondo sa bawat distrito.

Diin ni Cayetano, kung pangkaligtasan lang ng mga mamamayan ang badyet sa 2020 sa gitna ng pandemyang dulot ng coronavirus disease-19, layunin naman ng 2021 budget na paangatin o paunlarin ang kabuhayan ng mga mamamayan na siya umanong dapat na pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas.

 Samantala, mariin namang itinatwa ni Velasco na nasa likod siya ng tangkang kudeta laban kay Cayetano. RNT


  •  
  •  
  •  

Loading...