2022 BSKE poll paraphernalia inihahanda na ng Comelec

2022 BSKE poll paraphernalia inihahanda na ng Comelec

August 4, 2022 @ 4:33 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Itutuloy pa rin ng Commission on Elections (Comelec) ang procurement ng election paraphernalia para sa 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan elections o BSKE sa kabila ng mga panawagan ng postponement nito.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang poll body ay “in full swing” na para sa kanilang paghahanda para sa BSKE na kinabibilangan ng mga briefing at pagsasanay sa kanilang mga matataas na opisyal.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Garcia na ang P8.4 bilyon na budget para sa BSKE ay ‘intact’ pa rin ngunit gagastosin nila nang maayos ang mga mapagkukunanh ito upang maiwasan ang pag-aaksaya sakaling muling ipagpaliban ang local elections.

“‘Wag po kayong mag-alala hanggang sa kasalukuyan yung P8.4 bilyon na nakalaan for Barangay and SK elections intact.May nabawasan man, kapirasong kapiraso lang po dahil of course we are trying that particular budget, that money wisely dahil baka nga po hindi naman matuloy,” ani Garcia.

Dagdag pa ng poll chair na Ang materyales gaya ng papel at ballpen ay magagamit pa rin sa susunod na election kung aaprubahan ng Kongreso at ng Pangulo ang muling postponement ng BSKE.

Suportado naman ng ilang mambabatas kabilang si Speaker Martin Romualdez, ang postponement ng BSKE.

Nauna na niyang sinabi na ang gobyerno ay makaktipid ng P8.141 bilyon kung ipagpaliban ang local elections.

Nasa dalawang panukalang batas na rin ang inihain sa Senado na naglalayong ipagpaliban ang BSKE.

Nauna nang ipinalabas ng Legal Network for Truthful Elections(LENTE) at National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) ang kanilang pagtutol laban sa panukalang pagpapaliban.

Bilang isang longtime lawyer, sinabi ni Garcia na personal niyang nais na matuloy ang 2022 BSKE dahil ito ay tanda ng isang masiglang demokrasya sa bansa.

“I am always pro the conduct of the election,” sabi ni Garcia.

Sa kabila ng kanyang personal na posisyon, sinabi ni Garcia na palaging susundin ng Comelec ang desisyon ng Kongreso at Executive Department dahil ang poll body ay tagapagpatupad lamang ng mga batas na may kinalaman sa halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden