2023 Bar Exam application umarangkada na

2023 Bar Exam application umarangkada na

January 10, 2023 @ 7:31 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagsimula na ang Korte Suprema sa pagtangap ng aplikasyon para sa 2023 Bar Examinations.

Sa Bar Bulletin No. 2-2023 inihayag ni 2023 Bar Examination Chairperson Associate Justice Ramon Paul Hernando na binuksan na nitong Enero 8 ang application period para sa mga unang beses na kukuha ng Bar.

Magtatagal ang application period para sa new applicants hanggang sa Abril 30, 2023.

Ang application period naman sa mga dating kumuha na ng Bar Examination o ang mga hindi nakapasa at nais sumubok muli ay itinakda sa Mayo 1, 2023 hanggang Hulyo 8, 2023.

Tumaas naman sa P12,800 ang babayaran sa bar application mula sa ₱10,000 nitong 2022 Bar Examination.

Ayon kay Hernando, gagamitin ito para sa pagbayad software licensing, venue rentals sa local testing centers, at safety measures.

Pinaalalahanan ang mga aplikante na magsumite na ng mga kinakailangan na dokumento sa bagong inilunsad ng SC na online application platform para sa 2023 Bar Exams na BarApplication Registration Information System and Tech Assistance (BARISTA).

Ang 2023 Bar Examination ay idaraos sa Septyembre 17,20 at 24. Teresa Tavares