2023 budget, dadagdagan ng calamity funds para sa biktima ng bagyo

2023 budget, dadagdagan ng calamity funds para sa biktima ng bagyo

November 2, 2022 @ 5:37 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Sonny Angara na nakatakdang baguhin ang 2023 national budget upang dagdagan ang calamity funds na magbibigay ng ayuda sa sinalanta ng nakaraan at paparating na bagyo.

Sa pahayag, sinabi ni Angara na aabot sa P30 bilyon ang calamity funds na mas malaki kaysa nakaraang taon pero sanhi ng madalas na kalamidad tulad ng bagyo at lindol, akma lamang ang pondo upang tugunan ang pangangailangan ng taumbayan.

“Certainly the committee will always be open to changes which may help our people during these difficult times and which will improve the government response to these calamities,” ayon kay Angara.

Aniya, nakatakdang isalang sa plenaryo ang committee report sa 2023 national budget sa Martes na iisponsoran nito sa naturang araw.

Nitong Oktubre 23, ibinigay ng Mababang Kapulungan sa Senado ang kopya ng 203 General Appropriations Bill (GAB) na inaprubahan nito bago magsimula ang pahinga ng Kongreso.

Kapag natapos na maisponsor ni Angara ang badyet sa plenaryo, maaari nang himayin at pagdebatehan ng mga Senador ang lahat ng pondo ng pambansang pamahalaan kabilang ang lahat ng ahensiya sa tatlong sangay ng gobyerno.

Kamakailan, itinakda ng Palasyo na certified as urgent ang national budget na kailangan malagdaan bago magtapos ang Disyembre 31, 2022. Ernie Reyes