2023 General Appropriations Bill umarangkada na sa Kamara

2023 General Appropriations Bill umarangkada na sa Kamara

September 20, 2022 @ 10:58 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Isinalang na sa House Plenary ang House Bill 4488 o ang panukalang 2023 National Budget na nagkakahalaga ng P5.268 trillion.

Sa iskedyul ng House Committee on Appropriations ang mga debate sa plenaryo ay tatagal hanggang Sept. 28, 2022 at inaasahang bago magrecess ang Kamara maipapasa nito ang 2023 budget.

Sa sponsorship speech ni House Committee on Appropriations Chairman Elizaldy Co sinabi niya na ang P5.268 Trillion budget ay para makamit ang 8 point economic agenda ng Marcos administration, sa nasabing halaga  P4.259 trillion ang nakalaan para sa operasyon ng national government.

Sa hiwalay na speech ni House Appropriations Senior Vice Chairman Stella Quimbo, sinabi niya na ang 2023 budget ang unang hakbang para sa target na Medium Term Fiscal Framework (MTFF) na na sesentro sa paglika ng mas maraming trabaho at masugpo ang kahirapan.

Sa deliberasyon ay hindi nakadalo ang mga economic managers ni Pangulong Bongbong Marcos na kinabibilangan nina  DBM Secretary Amenah Pangandaman, Finance Secretary Benjamin Diokno, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Felipe Medalla at NEDA Secretary Arsenio Balisacan dahil kasama ito sa opisyal na delegasyon ng Pangulo sa state visit sa Estados Unidos.

Bulto ng 2023 budget ay sa edukasyon na may budget na P852.8 billion, nakatuon ito para sa ligtas na pagbabalik face-to-face classes, pagpapatayo at rehabilitasyon ng school facilities at educational assistance.

Nasa P301 billion ang sa health sector, P184.1B sa agricultura at agrarian reform habang P512.2 billion ang sa social protection programs tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Para sa araw na ito, kabilang sa naka-iskedyul na departmento/ahensya na sasalang sa deliberasyon ay ang Department of Finance, NEDA, Office of the Ombudsman, Commission on Human Rights, Commission o Elections, Department of Science and Technology at iba pa.

Samantala sa panig ng House Minority, sinabi ni House Senior Deputy Minority Leader Paul Daza na handa na rin sila para sa deliberasyon, at gagawin ang parte upang masiguro na “Budget of the People” ang mabubuong pambansang pondo. Gail Mendoza