207K COVID vaccine dose naiturok na sa Pasay; pagbabakuna ng 1st dose suspendido pa rin

207K COVID vaccine dose naiturok na sa Pasay; pagbabakuna ng 1st dose suspendido pa rin

July 13, 2021 @ 12:15 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Pasay na nakapagturok na ng kabuuang 207,542 vaccines laban sa coronavirus disease o COVID-19 sa kabila ng pagsusupindi sa pagbibigay ng unang dose ng bakuna dahil sa kakulangan ng vaccine.

Ayon sa Facebook page ng Public Information Office (PIO) ng lokal na pamahalaan na pinamumunuan ni Jun Burgos, patuloy ang pagbibigay ng ikalawang dose ng bakuna sa mga naklistang magpapabakuna sa lungsod.

Sa huling talaan ng lungsod ay nakapagturok ng ikalawang dose ng bakuna sa 4,785 residente noong Hulyo 10 habang mayron namang nabakunahan na 1,401 sa sumunod na araw ng Hulyo 11.

Sinabi pa ng PIO na ang mga napagkalooban ng unang dose ng AstraZeneca sa napapasama sa kategorya ng A2 (senior citizens) at A3 (adult with comorbidities) at matuturukan ng ikalawang dose ang mga ito na nakatakda sa Hulyo 22-31 at Agosto 2.

Pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang mga residente ng lungsod na ang mga nakatanggap na ng unang dose ng AstraZeneca ay bumisita na lamang sa PIO Facebook page upang malaman ang kanilang iskedyul sa pagtanggap ng ikalawang dose ng bakuna.

Para sa mga residente naman ng lungsod na nakatangggap na ng unang dose ng Sinovac at Pfizer vaccines ay nakaiskedyul ang mga ito na makatanggap ng kanilang ikalawang dose kahapon (Hulyo 12).

Siniguro naman ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa mga residente na ang pagbibigay ng unang dose ng bakuna ay ipagpapatuloy kapag natanggap na ng lokal na pamahalaan ang karagdagang vaccines na manggagaling sa gobyerno.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na kakayanin ng lokal na pamahalaan na magturok ng 7,500 COVID-19 jabs sa loob ng isang araw depende na ng alamang sa suplay ng bakuna na matatanggap ng lungsod.

Tiwala naman si Calixto-Rubiano na makakayanan ng lokal na pamahalaan na makamit ang herd immunity hanggang sa katapusan ng Setyembre o dili kaya ay sa unang linggo ng Oktubre ng kasalukyang taon. James I. Catapusan