207K PWDs, natulungan sa cash-for-work program – DSWD

207K PWDs, natulungan sa cash-for-work program – DSWD

January 20, 2023 @ 7:10 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakapagbigay na ito ng cash assistance na umabot sa mahigit sa P830 milyong piso sa 207,152 persons with disabilities (PWDS) sa may 150 iba’t ibang munisipalidad sa buong bansa.

Ang pigura ayon sa departamento ay “as of Jan. 19” at ang konsolidasyon ng final reports ng mga benepisaryo mula sa Field Offices ay nagpapatuloy.

Ang payout activities ay sabay-sabay na isinagawa noong Disyembre 2022 para sa cash-for-work (CFW) ng DSWD para sa PWDs sa bansa bilang bahagi ng pagsunod ng departamento sa mandato ng administrasyong Marcos na ilapit ang mga programa ng gobyerno sa mga mamamayan.

Ang Ilan naman sa community works at serbisyo na ginawa ng PWDs ay “communal gardening, tree planting, paglilinis ng public offices at kapaligiran, at coastal cleanup.”

Binansagan bilang “BUHAYnihan o Buhay at Bayanihan para sa Mamamayan Cash-for-Work for Persons with Disabilities,” ang proyekto ay pinangunahan ng DSWD Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbigay ng tulong sa vulnerable sectors at dalhin ang mga programa ng direkta sa mga mamamayang Filipino.

Tugon din ito sa lumutang na prayoridad para sa probisyon ng mga programa at serbisyo sa PWDs, at kilalanin ang kanilang kaparatang pantao.

Ang DSWD, bilang lead agency sa pagbibigay proteksyon sa karapatan ng vulnerable at marginalized sector ay nangako na patuloy na ipatutupad ang social protection packages para sa bawat Filipino, partikular na sa mga persons with disabilities.

Samantala, nagbabala naman ang DSWD sa publiko laban sa pagbibigay ng monetaryo o in-kind support sa mga “fraudsters at scammers” na gumagamit ng pinekeng solicitation permits di umano’y para sa benepisyo ng nangangailangang sektor.

Nakatanggap kasi ang DSWD ng impormasyon na ang grupo, ang Department for the Blinds Welfare of the Philippines, Inc, ay nagsasagawa ng public solicitation kung saan nagpapakita ng certificate of fund raising na di umano’y galing sa DSWD.

Ang nasabing sertipiko ay may kaakibat na pekeng pirma ni dating DSWD Field Office III Director at ngayon ay Assistant Secretary Marites M. Maristela.

Ani Maristela, ang paggamit ng “falsified certificate of fund raising” na mayroong kanyang pangalan ay “unlawful at unauthorized.” Mariin niyang itinanggi ang ‘authenticity’ ng sertipiko.

Hindi nagustuhan ni Maristela na may mga mabubuting puso na indibiduwal at pamilya ang nabiktima ng nasabing panloloko.

Kaya umapela si Maristela sa publiko na tulungan ang DSWD na pigilan ang grupo mula sa pambibiktima ng tao sa pamamagitan ng pagre-report sa malapit na DSWD office o police station sakali’t mayroong lumapit sa kanila na may ‘fake certificate.’

Pinayuhan din ng DSWD ang publiko na iberipika ang “legitimacy” ng kahit na anumang solicitation campaign sa ahensiya bago pa magbigay ng kahit na anumang tulong.

“This precautionary measure is not meant to dampen the generous spirit of the Filipinos, but to ensure that public solicitation is not taken advantage of by unscrupulous individuals and groups, and really benefits those in need,” ayon sa DSWD. Kris Jose