20M Pinoy nakatanggap na ng nat’l ID

20M Pinoy nakatanggap na ng nat’l ID

September 22, 2022 @ 10:10 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Humigit-kumulang 20 milyong Pinoy ang nabigyan na ng National Identification card (ID) hanggang nitong Martes, Setyembre 20, ayon sa National Economic Development Authority (NEDA) sa Kamara.

Sa mga debate sa plenaryo ng Kamara tungkol sa budget ng NEDA noong Miyerkoles, Setyembre 21, tinanong ni Camarines Sur 3rd district Rep. Gabriel Bordado Jr. si Marikina City 2nd district Rep. Stella Quimbo–ang sponsor ng budget ng ahensya–para sa update sa Philippine Identification System Act (PhilSys) o Republic Act (RA) 11055.

Ang PhilSys Act ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang batas noong 2018. Gayunpaman, maraming mga nagparehistro sa ilalim ng panukala ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang mga ID.

“Sa ngayon, natapos na natin ang step two ng PhilSys registration ng 71.7 million Filipinos at nakapag-issue na tayo ng 15.2 million physical IDs,” ani Quimbo sa harap ng plenaryo.

“Mula noong ginawa namin ang briefer hanggang ngayon, nagproduce ng karagdagang 4.9 million kaya total 20 million na ang na-issue na,” dagdag pa niya.

Nilinaw ni Quimbo na ang target ng NEDA ay makapag-isyu ng 30 milyong ID sa pagtatapos ng 2023.

“Out of the 111 million Filipinos, ang target lang natin would be 92 million. So from January 2023 to June 2023, yung balanse  which is about 62 million ang magiging targe.”

Inihayag din ng mambabatas ng Marikina ang dahilan ng pagkaantala ng pamamahagi ng ID.

“Ang nangyari po kaya nagkaroon ng konting delay is kinulang tayo ng printer. Moving forward, dadagdagan natin ang ating mga printer para matapos natin ang pag-isyu ng lahat ng IDs by the end of June 2023,” aniya pa.

Kabuuang P2.05 bilyon ng budget ng ahensya ang gagamitin para pondohan ang PhilSys Act. RNT