21 Chinese nat’l na sangkot sa illegal gambling sa Pinas pinauwi na

21 Chinese nat’l na sangkot sa illegal gambling sa Pinas pinauwi na

November 3, 2022 @ 4:05 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-deport sa ikalawang batch ng mga dayuhan na nasangkot sa ilegal na online na sugal sa bansa.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, 21 karagdagang Chinese nationals ang sumakay ng Philippine Airlines flight papuntang Wuhan, China ng hapon nitong Nobyembre 2. Ito ay matapos ang unang batch ng 6 na Chinese national na na-deport noong Oktubre 19, 2022.

Ang mga nasbaing dayuhan ay sinamahan ng mga operatiba mula sa Warden Facility Protection Unit ng BI, Border Control and Intelligence Unit, at Intelligence Division.

Nauna nang iniulat ng BI na ipatutupad nito ang pagpapatapon ng mahigit 300 dayuhan, karamihan ay mga mamamayang Tsino, na inaresto ng mga lokal na ahensyang nagpapatupad ng batas dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa illegal online gambling.

“We will ensure that those involved in illegal activities be deported and blacklisted,” ani Tansingco.

“This is to create a safe space for foreign nationals who comply with immigration policies are here in the country legally,” dagdag pa ng opisyal.

Inaasahan naman ni Tansingco na ang susunod na batch ay maipapatupad sa lalong madaling panahon, dahil sila ay may koordinasyon sa Chinese Embassy para sa mabilis na pagpapalabas ng mga dokumento ng mga deportees. JAY Reyes