21 kababaihan, nasagip sa prostitution den; 2 arestado

21 kababaihan, nasagip sa prostitution den; 2 arestado

August 15, 2022 @ 4:08 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nasa 21 kababaihan ang nasagip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation- Bayombong habang naaresto naman ang dalawang bugaw sa isang operasyon ng Anti-Human Trafficking sa Sta. Rosa, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ayon sa NBI, kinilala ang mga naaresto na sina Evangelina Torres at Analyn Estabillo.

Patuloy namang tinutugis ang umano’y may-ari ng Sunrise Videoke Bar na si Chiristopher Jun Pernada Domingo na wala sa lugar nang isagawa ang operasyon.

Batay sa ulat na natanggap ni Atty.Medardo De Lemos, Director ng NBI, ang nasabing bar ay sinasabing pugad umano ng prostitusyon matapos isumbong ng isang impormante na may mga babaeng nagtatrabaho bilang Guest Relations Officer (GRO) na nag aalok ng panandaliang aliw sa halagang P1,500 hanggang 3,000.

Agad namang nagsagawa ng survellaince ang NBI at nang magpositibo ay ikinasa ang pagsalakay sa nasabing bar na nagresulta ng pagkakasagip ng mga kababaihan.

Kasama si Fiscal Wendell Bautista ng IACAT – Region ll at ng PSWDO – Nueva Vizcaya na nagtungo sa bar , subalit hindi nila nadatnan ang may ari na si Domingo.

Dahil dito, nahaharap ang tatlong individual sa kasong paglabag sa R.A. 9208 na kilala rin bilang “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003” na inamiyendahan sa R.A. 10364 at R.A. 11862. Jocelyn Tabangcura-Domenden