21 pa patay sa COVID; 18,250 aktibong kaso

21 pa patay sa COVID; 18,250 aktibong kaso

December 1, 2022 @ 6:53 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Department of Health ng 918 na bagong kaso ng COVID-19 nitong Miyerkoles, dahilan para makapagtala ng 33,154 kabuuang kaso para lang sa buwan ng Nobyembre—mas mababa ito sa naitalang kabuuang 57,794 na kaso noong Oktubre.

Batay sa datos ng DOH, ang daily average para sa Nobyembre na 1,105 na kaso ay mas mababa rin sa araw-araw na average noong Oktubre na 1,864. Ito ang ikalawang sunod na buwan kung saan ang average na daily tally ay mas mababa sa 2,000.

Ang mga bagong kaso ng Miyerkules ay nagdala ng caseload ng bansa sa 4,036,277, na may mga aktibong impeksyon na bumaba sa 18,043 mula sa 18,250 noong Martes.

Iniulat ng National Capital Region (NCR) ang pinakamaraming kaso nitong nakaraang dalawang linggo na may 4,333 na impeksyon, sinundan ng Calabarzon na may 1,929, Western Visayas na may 1,106, Central Luzon na may 1,035, at Central Visayas na may 997.

Sinabi ng Kagawaran ng Kalusugan na hindi bababa sa 976 na mga bagong pasyente ang naka-recover na nagdala ng recovery tally sa 3,953,593.

Samantala, hindi bababa sa 21 na bagong pagkamatay ang naitala, na tumaas ang death tally sa 64,641.

Sinabi ng DOH na bahagyang tumaas ang bed occupancy ng bansa sa 23.8%, kung saan 6,758 beds ang okupado habang 21,588 ang bakante noong Lunes, Nobyembre 28.

May kabuuang 14,326 na indibidwal ang nasubok, habang 340 testing lab ang nagsumite ng data noong Martes, Nobyembre 29. RNT