21 patay sa mountain marathon sa China

21 patay sa mountain marathon sa China

May 23, 2021 @ 11:19 AM 1 year ago


BEIJING – Aabot sa 21 katao na lumahok sa mountain marathon cross-country race ang namatay sa China dahil sa tindi ng lamig bunsod nang pag-ulan ng yelo at malamig na ihip ng hangin sa high-altitude track.

Ayon sa rescue team, nasawi umano ang mga biktima matapos makaranas ng physical discomfort dahil sa biglaang pagbaba ng temperature.

Ang iba naman ay nawala dahil sa malupit na kondisyon ng panahon bandang ika-isa ng hapon nang ipatigil ng organizer ang 100-kilometer (60-mile) race sa Yellow River Stone Forest tourist site sa Baiyin City sa Gansu province.

Nitong umaga ng Linggo, ibinalita ng recue teams na binubuo ng 700 personnel na 21 ang nakitang patay at lima pa ang nawawala.

Inamin ng rescue teams na mahirap ang kanilang ginagawang operasyon dahil sa tindi ng lamig at nakalilitong masalimuot na daan sa bundok.

Tumatakbo umano ang mga kalahok sa maliit, makitid at delikadong daan sa mataas na bundok na pinaigting pa ng matinding pag-ulan ng yelo at malamig na temperatura na may kaakibat na malamig na ihip ng hangin.

Kabuuang 172 katao ang lumahok sa event at 151 ang kinumpirmang nailigtas, ayon sa ulat ng rescue team.

Agad namang nagsagawa ng press conference ang organizer ng event na si Baiyin Mayor Zhang Xuchen upang humingi ng paumanhin sa pangyayari.

“We express deep condolences and sympathy to the families of the victims and the injured,” ani ng mayor. Rico Navarro