21 patay sa sunog sa Gaza

21 patay sa sunog sa Gaza

November 18, 2022 @ 4:45 PM 2 weeks ago


GAZA STRIP – Umabot sa 21 kabilang ang pitong bata sa mga nasawi nitong Huwebes, Nobyembre 17 sa nangyaring sunog sa Gaza City.

Ito ay ayon sa mga opisyal kung saan sumiklab ang sunog dulot ng nakaimbak na gasolina sa isa sa mga apartment sa Jabalia refugee camp sa hilagang bahagi ng Gaza strip.

Ayon sa Hamas Islamists, na siyang may kontrol sa lugar, nakaresponde naman ang mga bumbero ngunit hindi na nailigtas pa ang 21 katao na nasawi dahil dito.

Bagama’t hindi pa kumpirmado ang pinagmulan ng sunog ay itinuturong dahil ito sa nakatambak na gasolina sa loob ng bahay.

Itinuturing naman ni Palestinian president Mahmud Abbas ang nangyaring sunog bilang isang “national tragedy.”

Dahil dito ay idineklara niya ang day of mourning ngayong araw, Nobyembre 18 at nangako na magbibigay ng tulong sa pamilya ng mga biktima.

Hinimok naman ni Senior PA official Hussein Al Sheikh ang Israel na buksan ang Erez crossing na nagdurugtong sa Gaza at southern Israle na karaniwang isinasara tuwing gabi, upang mas mapabilis ang pagbyahe sa mga pasyente sa oras na kailanganin. RNT/JGC