21 pulis kinasuhan sa hazing slay sa kabaro

21 pulis kinasuhan sa hazing slay sa kabaro

August 5, 2022 @ 11:56 AM 5 days ago


LEGAZPI CITY – Sinampahan na ng Police Regional Office in Bicol (PRO-5) ng kaso nitong Huwebes ang 21 kasapi ng 503rd Maneuver Platoon, Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 5 sa sangkot sa umano’y hazing na nagresulta ng pagkamatay ni Pat. Jaypee De Guzman Ramores.

Sinabi ni Maj. Malu Calubaquib, PRO-5 spokesperson, nagsampa na sila sa Masbate Prosecutor’s Office ng kasong criminal para sa paglabag sa Anti-Hazing Act.

Matatandaan na noong Hulyo 22, 2022 bandang 5:00 PM tumatakbo si Ramores at iba pa niyang kasamahan ng bigla na lamang itong bumagsak kaya agad din siyang dinala sa ospital pero kalaunan ay pinalabas rin.

Pagdating Hulyo 26, ginagamot sa Ticao District Hospital sa bayan ng San Jacinto si Ramores subalit nalagutan rin ito ng hininga.

Lumabas sa post mortem examination na isinagawa ng Ticao District Hospital sa San Jacinto, Masbate noong July 28, dumanas si Ramores ng cardiorespiratory arrest, deep vein thrombosis secondary to pulmonary embolism, and multiple physical injuries secondary to blunt trauma.

“He also sustained severe bruises, burns on his chest, wounds on his knees and feet, and other injuries on his body that caused his death on July 26,” dagdag pa ni Calubaquib.

Ang mga akusado ay tinanggal na sa kanilang pwesto at ngayon ay nasa kustodiya ng RMFB 5, Regional Headquarters sa loob ng Camp Ola.

Bukod sa kasong kriminal nahaharap rin ang mga suspek sa kasong administratibo para sa grave misconduct sa tanggapan ng Regional Internal Affairs Service 5./Mary Anne Sapico